Pangarap ang Puhunan

Matagal nang nagbabahagi ng scholarship ang EverFirst sa mga natatanging estudyante mula sa Holy Child Catholic School (HCCS). Isa sa mga mapalad na nabiyayaan ng scholarship si Amiel Clark Laquindanum, kabilang sa batch 2020-2024 ng EverFirst Scholarship Program. 

Bata pa lamang si Amiel, minahal na niya ang lohikang hatid ng siyensiya– lalo na ng Chemistry. Sa pamamagitan ng kanyang class adviser na si Mrs. Pamela Malihan, unti-unting nabuo ang pangarap ni Amiel maging isang guro. “Gusto ko po talaga siyang ituro, at ‘yon po ‘yong nagtulak sa’kin para i-take ang kursong ‘to,” saad ni Amiel. 

Ngunit bago pa man siya tumuntong sa kolehiyo, sinubok na ng tadhana ang kanyang katapangang humarap sa hamon ng buhay. “Nagdalawang-isip po talaga ako kung magco-college ako,” pagkukwento ni Amiel. “Noong mga panahon na ‘yon, namatay rin po ‘yong lola ko na nagtataguyod sa’kin noong high school.” 

Nagmistulang hulog ng langit ang scholarship na handog ng EverFirst, na ipinagbigay-alam kay Amiel ni Mrs. Malihan at kanyang dating punongguro, si Gng. Ophelia Lomaoig. Bilang isa sa mga estudyanteng nasa honor roll sa HCCS, nabigyan siya ng EverFirst scholarship upang maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. 

Bagaman masaya sa natanggap na oportunidad, pinangunahan din ng kaba si Amiel. “Kakayanin ko ba ang responsibilidad ng pagiging scholar ng EverFirst? Knowing that you have to maintain your academic grades, your performance,” ani Amiel. Kahit na may mga pag-aalinlangan, taas-noong hinarap niya ang hamong ito. 

Ayon pa sa kanya, naturuan siya ng EverFirst ng matalinong pagbabadyet. Inilaan niya ang financial aid mula sa EverFirst sa mga gadyet na ginagamit niya sa pag-aaral, mga materyales sa practicum, at sa mga bayarin sa unibersidad.  

“Through EverFirst, nabili ko po ‘yong una ko pong laptop, na naging aid ko po para makapag-aral during the online modality of classes,” dagdag pa niya. 

Bukod sa pagbabadyet, nagpursige rin siya para maging isang ganap na guro. Nakapagtapos ng Bachelor of Science in Education with specialization in Chemistry sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ngayong 2024. Nagkamit din siya ng karangalang Magna Cum Laude. 

Bilang isang guro, ibinabahagi ni Amiel ang prinsipyo ni G. Rey Angeles na “Kung saan ka tinanim, duon ka lumago, mamunga at magbigay ng lilim sa iba.” Nagbigay-lilim siya sa kanyang mga estudyante sa pamamagitan nang maayos na pagtuturo at paggabay sa kanila tungo sa tamang landas. 

Bagaman narating na niya ang tinaguriang rurok ng tagumpay bilang isang iskolar, aminado rin Amiel na siya ay humarap din sa maraming pagsubok. Ang nagtulak sa kanya para magpatuloy ay ang kanyang positibong pananaw sa buhay. 

“If there are times na magpapasuko sa’yo na, baka hindi ko na maabot ‘tong goal na ‘to, baka hanggang dito na lang ako, isipin mo kung bakit ka nagsisimula or bakit mo ginagawa ‘yong bagay na ‘yon,” ani Amiel. 

Lubos ang pasasalamat ni Amiel sa tiwala at suportang hatid ng EverFirst sa kanyang buhay at pag-aaral. Sa kasalukuyan, isa na siyang guro ng Chemistry sa St. Joseph School, Gagalangin, Tondo. 

Comments are closed.